Wednesday, March 29, 2017

Isang Punong kahoy
- Jose Corazon de Jesus


I
Kung tatanawin mo sa malayong poo
Ako'y tila isang nakadipang kurus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Parang hinahagkan ang paa ng Diyos!

II
Oraganong sa loob ng isang simbahan
Ay nanalangin sa kapighatian,
Habang ang kandila ng sariling buhay
Magdamag na tanod sa aking libingan…

III
Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo't magdamag na nagtutumangis;
Sa mga sanga ko ay nangkasabit
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

IV
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
Asa mo ri'y agos ng luhang nunukal;
At saka ang buwang tila nagdarasal,
Ako'y binabati ng ngiting malamlam.

V
Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy
Ibon sa sanga ko'y may tabing nang dahon,.
Batis sa paa ko'y may luha nang daloy.

VI
Ngunit tingnan ninyo ang aking narating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw,
Naging kurus ako ng pagsuyong laing,
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.

VII
Wala na, ang gabi ay lambong na luksa,
Panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga!
Ni ibon ni tao'y hindi na matuwa!

VIII
At iyong isiping nang nagdaang araw,
Isang kahoy akong malago't malabay,
Ngayon ang sanga ko'y kurus sa libingan,
Dahon ko'y ginawang korona sa hukay!



Isang Punong Kahoy
Jose Corazon de Jesus
 Tungkol sa Awtor
Si Jose Corazon de Jesus ay ipinanganak sa Sta Cruz noong taong 1896. Ang kaniyang ama ay si Dr. Vicente de Jesus at ang kanyang ina ay si Susana Pangilinan. Siya ay nakatapos ng Batsilyer sa Batas nguni't hindi siya kumuha ng eksaminasyon. Siya ay naging sikat sa pakikipagpalitan ng tula o balagtasan kay Florentino Collantes . Ang una nilang paghaharap ay sa Instituto de Mujeres kung saan sila ay nagtagisan tungkol sa Paru-paro's Bubuyog. Siya ay tinaguriang Hari ng Balagtasan. Si Jose Corazon de Jesus ay nakapagsulat ng mahigit na apat na libong (4,000) tula sa kaniyang kolum na Buhay MaynilaSamantalang ang kaniyang mga tulang (Ang Puso Ko, Ang Pamana, Ang Panday, Ang Manok Kong Bulik, Ang Pagbabalik, at Sa Halamanan ng Dios) ay madalas basahin sa mga unibersidad at kolehiyo. Si Jose Corazon de Jesus ay namatay noong Mayo 26, 1932 sa edad na 36 dahil sa ulcer. Siya ay inilibing sa ilalim ng puno kagaya ng habilin niya sa tulang Isang Punongkahoy at ang ANG AKASYA.

Ang paghihimay ng bawat saknong

Ang tulang Isang Punongkahoy ni Jose Corazon de Jesus ay naghahalimbawa sa kanya sa isang punong kahoy. Ang unang saknong ay naglalarawan sa may akda na nag-iisip. “Kung tatanawin mo sa malayong pook”. Ito’y nagsasabi na ang may akda ay nagsimulang mag isip-isip. Sa kanyang pag-iisip ay inilalarawan niya ang kanyang sarili na sumasamba sa Panginoon.

Sa pangalawang saknong, inilalarawan niya ang posibling mangyari kung nasa lamay na siya. Sa una at ikalawang taludtud, ay nagpapahiwatig na naririnig ng kanyang lamayan ang mga musikang itinutugtog din sa simbahan.

Samantalang, sa ikatlo at ikaapat na taludtud ay naglalarawan sa kanyang lamay na ang mga kandila ay inihalintulad sa mga tanod na nag-aabang sa kanyang lamay.

Sa ikatlong saknong, ang salitang batis ay nangangahulugang luha. “Sa aking paanan ay may isang batis”. Dito ipinapahiwatig na may umiiyak sa kanyang paanan, malamang nalulungkot sa kanyang pagkamatay kaya doon ay may patuloy na umiiyak at umaagos ang luha, at sabi pa na hanggang maghapon at magdamag na walang tigil sa pag-iyak, ang kahulugan. Sa ikatlo at ikaapat na taludtud ay inilalarawan ng may akda ang kanyang kabaong na inihahalintulad sa sanga. Sa kanyang kabaong ay may nakasabit na pangalan ng kanyang pamilya na nagmamahal sa kanya.

Sa ikaapat na saknong ay nangangahulugan na ang pag-iyak ng mga nagmamahal sa kanya ay totoo. Nalaman niya na may tunay o totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.

Sa ikalimang saknong ay nangangahulugan na ang kampana ng simbahan ay tumunog bago ialis ang kabaong. Ito’y nagpapatunay na malapit na syang ihatid sa kanyang huling hantungan. At ang mga taong nagmamahal sa kanya ay isa-isang naghahagis ng bulaklak sa kanyang kabaong. At may tao pa rin na patuloy na umiiyak at humahagulgol sa paanan ng kanyang kabaong.

Ibig sabihin sa ikaanim na saknong sinasabi dito na naihatid na siya sa kanyang huling hantungan at nang matabunan ng lupa ay nawala lahat ang kanyang kaligayahan, naramdaman niya ang kalungkutan at pag-iisa sa dilim. Sa puntod na tahimik at madilim ay wala nang nagbabantay sa kanya.

Sa ika-pitong saknong, ay naalimpungatan na siya sa kanyang pagguni-guni nang napagtanto niya na ang kanyang mga guni-guni ay hindi nakakatuwa.

Sa huling saknong naman ay nagmuni-muni siya sa panahon ng kanyang kabataan, inaasahan niya at inilaan na ang kanyang mga gawa ay maging inspirasyon sa kapwa.